Tuesday, October 20, 2009

OLIVER ni Nick Deocampo (1983)

OLIVER: Pagbabago mula Spiderman Tungo sa Kalayaan
Ang Oliver ni Nick Deocampo ay isang dokumentaryo tungkol sa buhay ni Reynaldo Villarama, isang female impersonator. Ito ang unang bahagi ng trilohiyang Ang Lungsod ng Tao ay Nasa Puso ni Deocampo. Sinundan ito ng Children of the Regime noong 1985 tungkol sa child prostitution at ng Revolutions Happen Like Refrains in a Song noong 1987 tungkol sa saya at pagkabigo pagkatapos ng 1986 EDSA People Power. Ang trilogy ay nanalo ng Grand Prix sa 9th International Super 8 and Video Festival sa Brussels, Belgium noong 1987.

Sa pelikulang ito, makikita natin ang kaibuturan ng buhay ni Villarama. Halata ang tiwala ni Villarama kay Deocampo, kitang-kita ito sa napakalapit at napakalalim na pagpasok ni Deocampo sa buhay ni Villarama at ng kanyang pamilya. Sinuklian naman ito ng respeto ni Deocampo, hinayaan niyang magsalita at magkuwento si Villarama at ang kanyang pamilya nang walang bahid na paghuhusga mula sa kamera at sa director. Hindi din hinayaan ni Deocampo na maging spectacle ang mga palabas ni Oliver, lalo ang kanyang Spiderman.

Makikinita natin sa Oliver ang mapanuri ngunit sensitibong paggamit ni Deocampo ng sining ng sine upang ipakita ang buhay ni Villarama habang isinisiwalat ang iba’t-ibang isyu at problema sa lungsod. Matapang ang pelikula ni Deocampo sa pagsiwalat sa mga problema ng bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos tulad ng prostitusyon, exploitation ng mga bata, kahirapan, squatter, pabahay, basura, at opresyon. Ayon sa kanya, pinili niyang gumawa ng dokumentaryo dahil, “I stuck to the documentary in total opposition to the illusion-ridden movies made commercially with little regard for the actual realities around us Filipinos.” Walang takot na ginawa ni Deocampo ang pelikula sa ilalim ng diktatoryang Marcos noong 1983, kung kailan pinatay si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Ayon kay Deocampo, “Deep inside me I felt something like a revolution was bound to happen in the country.”

Bumabalot ang tema ng pagbabago sa pelikulang Oliver. Malaking pagbabago, na tila rebolusyon, sa personal na lebel ay makikita sa buhay ni Villarama at sa metamorposis na nagaganap tuwing siya ay nagiging Oliver. Sa pagpapalit ng eksena mula sa totoong buhay ni Villarama at sa pagganap ni Oliver na Liza Minelli, Grace Jones o Spiderman, epektibong pinakita ni Deocampo ang kapangyarihan ng metamorposis, ang pagbabagong anyo at pagbabagong buhay. Gabi-gabi tuwing pumunta, nagbabagong si Villarama, mula Reynaldo Villarama nagiging Oliver. Balot sa kahirapan ang buhay ni Villarama, pilit binubuhay ang pamilya sa pagtatrabaho bilang impersonator, minsan ay prosti, nakatira sa squatter’s area, at “one scratch, one eat” (aniya ng lola). Pagdating naman sa club, si Oliver ay nagiging sikat na manganganta (Liza Minelli) o sikat na performance artist at manganganta (Grace Jones) o sikat na superhero (Spiderman). Nagbabagong anyo si Oliver, nagiging babae, maganda, kaakit-akit, pokus ng atensyon, at glamorosa. Gabi-gabi, tuwing si Villarama ay pupunta sa club, makikita natin ang pagbabago mula sa pang-araw-araw na buhay at pagkatao ni Villarama.

Ang isyu ng pagbabago ng sekswalidad ay tinalakay din sa pelikula. Sa bahay si Villarama ay isang tatay at asawa, sa club naman siya ay may boyfriend, at bilang Oliver siya ay nagiging babae sa kanyang mga ginagaya. Ngunit sa pagmumuni niya, tinanong niya kung maiintindihan kaya ng kanyang anak paglaki nito na ang kanyang tatay ay isang bakla o silahis. Sa kabila ng pagtatanong ni Villarama, makikita natin na komportable si Villarama sa pagbabagobago ng kanyang sekswalidad.

Hindi lamang pagbabagong-anyo at pagbabago ng sekswalidad ang tema ng Oliver. Higit na mas mahalaga an pagbabagong-buhay ni Oliver. Hindi itinuring ni Deocampo si Villarama na biktima ng lipunan o ng kanyang trabaho. Kahit na napapaligiran si Villarama ng hirap, pilit niyang binabago ang kanyang pang-araw araw na kalagayan. Patuloy na naghahanap ng mas mabuting buhay para sa pamilya at sa sarili. Tinapos ni Deocampo ang maikling dokumentaryo sa papalit-palit na eksena ng Spiderman sequence ni Oliver at ang paglipat ng bahay ni Villarama. Bumuo si Oliver ng sapot ng gagamba mula sa pisi na nakapasok sa kanyang puwet. Binalot ang sarili sa sapot at saka ito winasak. Habang pinapakita na nagbubuhat ng mga damit na binalot at mga gamit para maglipat ng bahay si Vllarama karga ang anak. Sa pagwasak ni Oliver ng sapot ng gagamba, gayun din ang pagwasak ni Villarama ng dating buhay na balot sa hirap. Taas kamay si Oliver pagkatapos was akin ang sapot, halik naman ang ibinigay ni Villarama sa anak habang tulak ang kariton patungo sa bagong buhay. Sa paglaya ni Oliver bilang Spiderman, gayun din sana ang paglaya ni Villarama mula sa kahirapan.



Buod
Si Reynaldo Villarama ay isang 24 anyos female impersonator na mas kilala sa palayaw na Oliver. Ginagaya niya si Liza Minelli sa awiting Cabaret na ayon sa kanya ay apat na taon na niyang ginagawa. Apat ang kanyang kapatid –isang may asawa na at iyong tatlo ay pinapaaral pa niya. Ayon kay Oliver, gusto na rin niya ang kanyang trabaho bilang female impersonator, masaya at madaling kumita ng pera. Dahil dito ay naaalagaan niya ang kanyang pamilya.

Sa panayam sa babaeng kapatid ni Oliver, walang problema sa kanya ang trabaho ni Oliver dahil napapakain at napapaaral sila nito. Ayon naman sa lola ni Oliver na kasama niya sa bahay, mabait na bata si Oliver at gagawin lahat para buhayin ang kanyang pamilya. Ayon kay Oliver, ang kanyang trabaho ay hanapbuhay na niya. Pinakitang muli ang impersonation ni Oliver kay Liza Minelli.

Sinalubong si Oliver ng kanyang anak na lalaki pag-uwi niya sa bahay nila sa Navotas. Ikinuwento ni Oliver ang pagkamatay ang kanyang ina noong 1970 at pag-iwan sa kanila ng ama noong 1971. Noong 1972 pinaampun sila ng lola nila at doon natuto si Oliver mag-rondalla. Umalis si Oliver sa ampunan at nakilala niya si JX (hindi tunay na pangalan) na nagdala sa kanya sa isang club sa Mabini para maging mananayaw. Lumipat siya sa Taberna sa Espana hanggang siya ay napunta sa Monokel.

Pinakilala ang anak at asawa ni Oliver sa isang panayam. Pinakitang pinapainom ni Oliver ang anak ng ng gatas. Nagmumuni-muni si Oliver tungkol sa kinabukasan ng kanyang anak. Kahit na aksidente lamang ang pagkakaroon niya ng anak, masaya daw siya at napatunayan niya sa kanyang sarili na lalaki siya. Iniisip ni Olvier kung matatanggap ng kanyang anak na siya ay isang bakla o silahis.

Ikinukuwento ni Lola na sila ay nakatira sa Dagat-dagatan. Nagbabayad daw sila sa gobyerno hanggang 25 taon. Makikita ang bundok ng basura sa Isla Puting Bato, Navotas malapit kanila Oliver. Nagpapasalamat pa rin si Oliver dahil sa pakiramdam niya ay mas maayos pa rin ang buhay nila kumpara sa mga taga-Isla Puting Bato. Sabi ng lola ni Oliver, sila ang pinakamahirap na lugar. Wala sila masyadong mapagkakakitaan. “We are living on one scratch, one eat.” Maski ganun daw si Oliver, binubuhay niya ang kanyang mga kapatid. Pinaparaaral at pinapakain niya ang mga ito. Nang mamatay ang kanilang ina at iniwan ng kanilang ama, nagdaan sila sa hirap. Ipinasok niyang katulong ang magkakapatid. Kinukuha niya ang suweldo ni Oliver.

Pinakita ang diyaryong may balita tungkol sa child prostitution. Pinakita din ang Venus Cinema sa Tondo. Nagkukuwento si Oliver tungkol sa Venus Cinema kung saan merong mga male prostitutes. Naging male prostitute din si Oliver at noong siya ay 15-anos binayaran siya ng 500 pesos para lumabas sa isang pelikula.

Naglalakad si Oliver sa Fort Santiago, tumigil at pinanood ang mga namamalimos na bata habang ang mga ito ay naglalaro. Nag-iisip si Oliver tungkol sa buhay at kinabukasan. Kahit mahirap ang buhay, meron pa ring mas dukha kesa sa kanya – tulad ng mga batang pinanonood.

Sunset sa red-light district ng M.H. Del Pilar, puno ng iba’t-ibang kulay mula sa ilaw ng mga nightclub. Simula na naman ng trabaho ni Oliver kasama ang mga mananayaw, call boy at impersonators – masaya sila.

Sumasayaw ang isang macho dancer sa mapang-akit na tunog. Nag-Liza Minelli na naman si Oliver. May mga Shirley Bassey at Donna Summer impersonator din. Tuloy sa sayaw ang macho dancer sa kantang “Chiquitita.” Sumunod si Oliver bilang Grace Jones. Hubad si Oliver maliban na lang sa gintong pintura ng kanyang katawan.

Ayon kay Lola, maghihiwalay na ang maglolola dahil hindi na kayang magbayad ng bahay sa gobyerno. Magsasama-sama na ang magkakapatid at si Lola naman ay papasok sa ospital. Gusto ni Lola na magakaroon ng maliit na hanapbuhay ang magkakapatid, isang tindahan sa bahay para hindi na sila aalis pa ng bahay. Balik sa Grace Jones. Sabi naman ng kapatid ni Oliver na kung hindi na siya kayang pag-aralin ay titigil na lamang siya. Tuloy pa rin ang pag-Grace Jones ni Oliver. Sabi ni Lola si Oliver na ang may responsibilidad sa kanyang mga kapatid.

Kandong ni Oliver ang anak habang nagkukuwento. Handa na silang magsarili, ayon sa desisyon ng kanilang lola. Sa baryo sila titita, mas malaki ang matitipid nila. Pag-aaralin ang kapatid na lalaki. Ang upa nila ay 250 pesos.

Naglalagay ng gamit sa kariton sila Oliver at kapatid na babae, paghahanda sa paglipat ng bahay. Pinapakitang naghahanda si Oliver para sa kanyang “Spiderman.” Nagrolyo ng 100 yards na pisi na ipapasok niya sa kanyang puwet. Ayon kay Oliver, hindi niya alam kung paano niya naisip ito, basta ginawa na lamang niya. Nagustuhan ng mga tao at pinagkaguluhan. Kahit daw si Lino Brocka ay naloka sa “Spiderman” at bumalik pa kinabukusan kasama ang mga banyang kaibigan. Naglalagay pa ng gamit si Oliver at kapatid sa kariton kasama ang anak ni Oliver. Pinakita ang kamay ni Oliver habang inaayos ang pisi para sa show.

Pumasok si Oliver sa dressing room ng club. Naghubad at naghanda para sa “Spiderman.” Pinakitang tinutulok ni Oliver at ng kapatid ang kariton habang buhat ni Oliver ang anak. Nagsuot si Oliver ng costume. Pinakita muli ang magkapatid na nagtutulak ng kariton. Naglalagay ng oil sa kanyang puwet at ipinasok ang pisi dito. Pinakitang hinalikan ni Oliver ang anak habang naglalakad ng may kariton.

Nasa gitna ng entablado si Oliver at sinimulang hatakin ang pisi palabas ng puwet. Tinali niya ang pisi sa pakong nasa lapag. Dahan dahang gumapang patungong pader at mga lamesa habang tinatali ang pisi sa mga ito. Napuno ni Oliver ng pisi ang buong entablado animo isang sapot ng gagamba. Pumunta sa gitna ng sapot si Oliver at sinimulang hatakin ang pisi hanggat ito ay mawasak. Lumaya si Oliver mula sa sapot.

No comments:

Post a Comment